Personal Finance 1: Give

Hello! Looooong time no post tipong limang taon hindi masyado nakapagsulat dahil sa trabaho.

Ilang update tungkol sa akin haha. Habang sinusulat ko ito, nagresign na ako. Madaming dahilan pero hindi ko na ikukuwento lahat dito. Single pa rin ako hahaha (memasingit lang haha). Kumusta naman kayong lahat? Nawa’y ligtas kayo at ang inyong mga mahal sa buhay ngayong pandemya. Ang layunin ng blogpost na ito ay gusto kong pag-usapan kung paano ko ginagastos ang sahod ko at siyempre, paano ko ito iniipon at pinalalago. Layunin ko rin na sana makatulong ito para sa iyo, aking mambabasa, upang makatulong din sa iyong buhay pinansyal.

Hello! I am offering my service and assistance as aΒ proofreader / editorΒ for college major papers and undergraduate theses as a side hustle (Philippine-based)! I offer language editing in terms of grammar, spelling, punctuation, sentence construction, and the like in both Filipino and English languages. I have a Master of Arts degree in Literature (Filipino). Feel free to send me an email at jeremyjamessim@gmail.com for inquiries. Thank you! πŸ˜€

DISCLAIMER: Aaminin kong nakatira pa rin ako kasama ang aking mga magulang at kapatid at napaka-privileged ko kung tutuusin kasi may (ligal) na negosyo kami rito sa probinsya. Single ako at wala (pang) asawa’t anak. Hindi ako breadwinner. Ang layunin ng post na ito ay upang magbahagi ng aking mga ginagawa lalo na sa usapin ng pera. Hindi ko sinasabing dapat niyo akong sundin na tipong absolute truth dahil patuloy pa rin akong nag-aaral ukol sa usapin ng pera at patuloy pa rin akong nananaliksik kung paano ko pa ito mapapalago. Maaaring tama o mali ako sa aking mga ginagawa. Pananaw at paniniwala ko ang mga pinagsusulat ko rito kaya kung susuriin niyo ang mga nakasulat dito, maaaring hindi kayo sumang-ayon at maaari ring sumang-ayon kayo. Hindi ako financial advisor at dalubhasa rito. Ibabahagi ko lamang ang aking karanasan ukol sa savings at investments. Okay na ha, nailatag ko na lahat ng mga disclaimer na naisip ko. Simulan na natin.

Nakatutuwang balikan at basahin itong sinulat ko noong Mayo 2017 “Pag ako yumaman“. Ika nga nila, libre ang mangarap. Kaagapay ng ganitong klaseng pangarap ay ang pagkilos. Hindi naman tayo maaaring tumaya lang nang tumaya sa lotto dahil napakaliit ng probability na mananalo tayo. Imbis na tumaya nang tumaya ng lotto, maaari nating iinvest ang perang pantaya sa mutual fund o mamuhunan ng maliit na negosyo, tutubo pa ito in the long run.

Nagsimula akong magtrabaho noong Hunyo 2016 bilang isang guro ng Gr12 senior high. Aminin natin: Hindi mataas ang sahod ng isang guro kumpara sa ibang larangan, open secret naman na ito at alam ng lahat. Ngunit dahil nga sa nailatag ko sa taas na privileged ako, sa akin ang aking sahod. Nagresign ako (huling suweldo ko) nitong Hunyo 2021. Sa loob ng limang taon, tuloy-tuloy ang pasok ng aking suweldo sa aking ATM maliban na lamang noong Okt-Dis 2020 dahil nagwork leave ako upang tapusin ko ang aking tesis sa MA (na natapos ko nga huhu at may masters degree na akooo) at Mayo 2021 dahil sa work leave. Dito ko talaga naramdaman ang halaga ng sahod at ng pera. Noong Okt 2020, may pumasok na dibidendo mula sa isang investment ko. Doon ko rin napagtanto na sobrang laking tulong ng mga investments (basta ligal para malinis ang konsensiya).

At dahil unang trabaho ko itong pagtuturo, dito ko talaga naramdaman kung gaano kahalaga ang bawat pisong pinaghirapan ko bilang isang guro. Bawat puyat, bawat pagcheck ng mga papeles, bawat pagplano ng mga lessons, araw-araw na pagtuturo, atbp. Hindi madali maging guro, at mas lalong hindi madaling magturo online nitong pandemya. Ang tanong ngayon, saan ko ngayon gagamitin ang aking pera? Paano ko ito mapapalago habang nagtuturo ako? Paano ko masisigurong hindi ko ito uubusin? Sasagutin ko ito sa susunod na blogpost pagdating sa savings at investment.

Dito ngayon magsisimula ang aking blogpost (wow kuya ang haba ng intro natin? College paper lang? Hahaha lagyan na rin natin ng thesis statement haha lol).

Palagay ko human nature naman na gusto natin magkaroon ng maraming pera –> yumaman. Ang tanong ko ngayon ay bakit mo gustong yumaman? Kailangan nating maglatag ng mga targets at kailan natin ito gustong makamit. Kung ako ang tatanungin, sasabihin kong gusto kong makapag-invest ngayon upang pagdating ng araw, magrertiro na lamang ako tapos sapat na ang aking passive income stream upang matustusan ang mga pangangailangan maging mga luho ko (+ magiging pamilya) sa buhay.

Teka teka, ano ba ang passive income?

Mayroong dalawang uri ng income (kita): active at passive. Ang active income ay ang kinikita natin bunga ng ating pagtatrabaho mismo. Ibig sabihin, kung hindi tayo nagtrabaho sa araw na iyon, wala rin tayong suweldo sa araw na iyon. Halimbawa, kung nagpersonal leave ako sa pagtuturo ng isang araw, makakaltasan ako ng sahod na pang-isang araw. Kinakailangan nito ang ating lakas, presensya, kilos, outputs, atbp. Ang passive income naman ay ang kita natin mula sa ating mga investments at negosyo. Ito yung kitang kahit nakahiga ka lang sa kama buong araw o hindi ka nagtrabaho sa isang araw ay may darating pa ring pera sa iyong bulsa (oo posible ito at hindi ito pagnanakaw haha). Saan makakakuha ng ganitong passive income? Ito ngayon ang layunin ng blogpost na ito. Paano ba makapagsimula ng passive income at magkano ang kikitain ko mula rito. Napagtanto ko rin na mukhang hindi magkakasya ang lahat ng gusto kong sabihin sa isang blogpost haha kaya mukhang magkakaroon pa ito ng parts 2 at 3.. at 4?

Income

Ang income ay ang perang pumapasok sa ating bulsa/bangko. Bunga ito ng ating aktibong pagtatrabaho (active) at/o ng ating passive income. Hamon ngayon kung paano palalakihin ang ating kinikita. Maaaring magpundar/mamuhunan ng negosyo, maaaring kumuha ng side line, maaaring mag-invest din ng pera sa negosyo ng iba, sa mutual funds, atbp. Maaari ring lumipat ng trabaho kung mataas ang sahod sa iba, maaaring mapromote upang tumaas ang sahod, atbp. Ngayong pandemya, madami akong kakilalang nagsimula ng kanilang mga negosyo online. Kinakailangan lang maging maparaan at magpursigi. Kailangan din matukoy ang demand ng market at kung feasible ba ang papasukang negosyo. At siyempre higit sa lahat, ligal ba ito??? hahaha

Bilib ako sa aking mga naging estudyante na yung iba sa kanila ay kumikita na habang nasa kolehiyo pa lamang. Bilib ako na sa murang edad, nakikita na nila ang halaga ng pera at paano kumita at mag-invest. Bilib ako sa kanilang abilidad at napagsasabay nila ang pagtayo ng maliit na negosyo, yung iba may Shopee shop na, yung iba nagmumutual funds na rin sa kanilang pag-aaral.

Pero siyempre malaki ang naging papel ng pribilehyo sa ganitong konteksto. Kaya kung sapat lamang ang inyong kinikita para sa inyo at sa inyong pamilya, isang mahigpit na yakap with consent! Ayaw kong isugarcoat na toxic positivity kasi hindi ko naman alam ang inyong mga konteksto at pinagdadaanan sa tahanan at pamilya.

Paano ako nagsimula sa passive income:

Noong high school ako, nagbabaon ako ng pananghalian araw-araw. Malaking tulong ito dahil natitipid ko ang allowance ko. Tuwing nakakaipon ako, pinapadeposit ko sa aking magulang sa aking savings account sa bangko. Iyong ibang halaga ay pinasok pa sa time deposit. At dahil high school pa lang ako, hindi ko pa naiintindihan, pumapayag ako. Nagpasok na rin unti-unti sa investment na may taunang dibidendo pagdating ng kolehiyo. Maliit man ang dibidendo, dito nagsimula ang paglalakbay ko sa passive income.

Dahil nga isa akong guro, naniniwala akong hindi natatapos ang pag-aaral ng isang tao kapag nakuha na niya ang kanyang diploma. Bumibili ako ng mga libro tungkol sa pera at investments. Binasa ko ang mga libro nina Francisco Colayco (Wealth Within Your Reach: Pera Mo Palaguin Mo 1, Making Your Money Work: Pera Mo Palaguin Mo 2, at Pera Mo, Pinalago Mo: Pera Mo Palaguin Mo 3), Ardy Roberto (Ang Pera na Hindi Bitin, Ang Allowance na Hindi Bitin, The Happy Entrepreneur), Robert Kiyosaki (Rich Dad, Poor Dad saka Increase Your Financial IQ pa lamang nababasa ko hehe), Clarissa de la Paz & Sharon Que (I Wish They Taught Money in School at Money Grows on Trees), Thomas Stanley (The Millionaire Mind), Bo Sanchez (How to Prosper), at Chinkee Tan (Diary of a Pulubi at My Ipon Diary). Iilan lamang sila sa mga librong nabasa ko tungkol sa pera at investments. Muli, maging mulat at patuloy na matuto dahil paniguradong madami pa tayong matututunan sa pagbabasa, pag-aaral, at pananaliksik. Huwag ring kaligtaang manood ng mga credible youtube education videos at ilang blogposts at articles online.

Sinasabi ng mga librong ito na hindi naman sa kung gaano kalaki ang ating kinikita kundi gaano kalaki/kaliit ang natitira sa atin. Ito ang batayan ng wealth, sabi nila (hala hugas kamay tayo haha). Aanhin ang malaking sahod kung hindi ka naman nakakapag-ipon at invest? Sa kabilang banda, kung mas mababa ang iyong sahod pero nakakapag-ipon ka naman at natututong mag-invest, unti-unti mong maaabot ang iyong target pampinansyal.

Naglalatag sila ng isang equation pagdating sa pera:

Income – Savings/Investments = Expenses

Ngunit kung ako ang tatanungin (at dahil blogpost ko naman ito), babaguhin ko ang equation:

Income – Tithing/Give (1) – Savings/Investments = Expenses/Give (2)

O bago kayo magreact, ipapaliwanag ko muna ang aking equation. Muli, ito ang aking pananaw at ginagawa.

Tithing/Give (1)

Mayroon tayong mga kasabihang: “It is better to give than to receive”, “… walang sinuman ang naging mahirap dahil siya ay nagbigay…”, 2 Corinthians 9:6-7 “… for God loves a cheerful giver.”

Ang tithing para sa akin ay napakahalaga. Ito ay ang pagbigay mo ng 10% ng iyong pera sa Diyos (maaaring sa simbahan, ministries, atbp.) Bakit ito mahalaga para sa akin? Dahil naniniwala akong galing sa Diyos ang aking kakayahan at kaalaman. Para sa akin e mahalagang ibalik natin kay Lord ang mga biyayang pinagkakaloob niya sa atin. Non-negotiable ito para sa akin. Ang matitirang pera matapos ang tithing ang gagalawin para sa aking mga savings, investments, at gastusin.

Ang give naman ay nitong panahon ng pandemya, nagbibigay ako sa pamamagitan ng mobile banking sa mga iba’t ibang nangangailangan ng tulong. Halimbawa ng mga binigyan ko ng tulong (na nakatable sa notes ko sa phone kasi oc ako haha): nangangailangan ng tulong sa hospital bills ng mga kakilala ko at maging mga hindi ko kilala na nakikita ko sa Twitter, ayuda sa mga nawalan ng trabaho, typhoon reliefs, mga pinapalabas sa KMJS, tree planting drives, abuloy sa mga namatayan, regalo, at community pantries. Puwede rin nating suportahan ang mga online businesses ng ating mga kaibigan. Kung tutuusin, malaking halaga rin ang naibigay ko pero sa aming dalawa na lang ni Lord kung magkano at alam niya ang laman ng puso ko. At ito ang ambag ko. πŸ™‚

Pero tandaan, sabi na dapat cheerful tayo sa pagbibigay. Hindi yung may sama ng loob sa pagtulong, hindi yung may hinihintay tayong kapalit na katumbas ng ating binigay. Hindi dapat labag sa ating kalooban ang pagbibigay. Hindi rin dapat tayo makipag-negotiate kay Lord na ganitong halaga ang binigay ko kaya dapat ganitong halaga rin ang babalik sa akin. Cheerful dapat tayo. Maging masaya tayo sa ating binibigay at tinutulungan. Wala dapat tayong inaasahang kapalit. Kung mayroon mang matanggap na kapalit, magpasalamat sa Diyos. Tutal, nakikita naman ng Diyos ang ating ginagawa at nakikita rin niya ang laman ng ating mga puso kung bakit tayo tumutulong. Walang hihigit pang pakiramdam ngayon, para sa akin, ang pakiramdam na tumutulong tayo sa mga nangangailangan ng tulong. Siyempre, ibang usapan pa ang pagtulong natin sa ibang pamamaraan maliban sa pera. Puwede tayo magshare sa ating social media accounts ng mga posts ukol sa pagtulong. Puwede tayo magblog at magvlog kung may youtube channel kayo.

Pero kinakailangan mo ring magtira ng pera para sa iyong sarili at sa iyong kinabukasan. Hindi ka naman makakapagbigay in the first place kung ikaw mismo ay ubos at kapos na. Dapat ding matutong magbudget kung magkano lamang ang maitutulong sa abot ng ating makakaya. Saka na magbigay kung may natira pa kaya may Give (2) sa equation.

Para sa akin, dapat magkaroon tayo ng mapagbigay na pag-aasal. Hindi naman kinakailangang malaking halaga o pera mismo. Kahit simpleng ngiti o mga salitang nakapagbibigay ng lakas ng loob ay malaking tulong na sa ating kapwa. Hanggang kaya natin, magbigay sana tayo ng tulong sa iba sa abot ng ating makakaya.

Para sa akin, sa ganitong pag-iisip (tithing/give1), e nakapagbibigay ito ng magandang pananaw at hindi makasariling pamumuhay. Naiiisip natin ang kapakanan ng iba at magsisibol mula rito (para sa akin) ang ating pagnanais na tumulong sa kapwa.

Dito ko muna tatapusin ang unang serye ng aking personal finance. Ang dami ko rin palang naisulat e wala pa tayo sa bahagi ng savings/investment haha. Pakihintay na lang siguro sa susunod na linggo. πŸ™‚

Maraming salamat sa pagbabasa at paki-click na rin angsubscribe/follow button sa kanan. πŸ™‚

Mababasa ang part 2 Personal Finance 2: Savings sa link at ito naman para sa Personal Finance 3: Investments. πŸ™‚

5 thoughts on “Personal Finance 1: Give

  1. Ang ganda ng equation mong, Income – Give 1 – Savings/ Investment = Expenses/ Give 2. In this world na sapat naman na ang simpleng pamumuhay para maging truly happy, to even exceed that ideal and basic happiness, giving should always be incorporated in our activities! Looking forward to the next chapters of this blog Jerms!

  2. Pingback: Personal Finance 2: Savings | walangmagawasijerms

  3. Pingback: Paint by numbers | walangmagawasijerms

  4. Pingback: Personal Finance 3: Investments | walangmagawasijerms

  5. Pingback: Passive Income: SeedIn | walangmagawasijerms

Leave a comment