Basit Lang.

Ipinangako ko sa aking sarili na kung ok ako sa mga Final Grades ko sa aking Cultural Lab, ipopost ko dito ang aking Final Individual paper. 😀 Nagulat pa ako sa Final Grades ko! :O Hindi ko inaasahan! =((((( Maraming salamat Doc Z and Ms. Magno! =((((( (tears of joy ‘yan, bawal kumontra) haha.

Halos nawala ako nitong buong linggo. Madaming nangyari! 😀

– Linggo: 65th Anniversary ng aking lolo’t lola! 😀
– Lunes: Sumama sa out-of-town trip sa bahay ng aming kamag-anak sa Laguna kasama ang aming mga kamag-anak mula pa sa Indonesia (kasi nga anniv kaya bumiyahe papuntang Pilipinas)! Nakakaubos din ng Mandarin kasi ‘yun yata ‘yung ikalawang wika nila. Mahina sila sa Inggles! Noosebleed na ako! Haha 14 taon na pag-aaral ng Mandarin, dito ko napiga! Haha.
– Martes at Miyerkules: Sumama na naman sa out-of-town trip sa Subic kasama ang mga taga-Indonesia at nagpadespedida party/dinner kagabi sa Tarlac! 😀

Kaya: Lumamon nang lumamon at pakiramdam ko ay bumigat ako! =)))

 

Ok, ito na ang aking Final Individual paper. 😀 Nang binasa ko ulit, may mga typos pala. 😦

 

Ateneo Cultural Laboratory

Final Individual Paper

(pangalan ko)                                                                                   May 21, 2013
ID Number                                                                         Dr. Zialcita
IV AB IS                                                                                                          Ms. Magno

Basit Lang: Pangungulila sa Pinagmulan

“Saan probinsya mo?”
Sa Pangasinan.
“Ah, Ilokano ka pala? Marunong ka mag-Ilokano?”
Basit (konti) lang…

Mula sa Metro Manila, dumaan sa North Luzon Expressway, dumaan sa SCTEX. Mula sa Luisita, dumaan sa MacArthur Highway, lampasan ang mga bayan mula Gerona hanggang San Manuel. At sa pagtapak mo ng arko ng Pangasinan, nakatapak ka na sa bayan ng Rosales.

Tuwing bakasyon at tuwing may pagkakataon, gugustuhin kong umuwi sa aking probinsya. Ito’y marahil gusto kong lisanin ang realidad ng Metro Manila—sa kanyang polusyon, dami ng mga gusali, atbp. Para sa akin, ang probinsya ay isang lugar na kung saan makakapagbakasyon kang nakahiga buong araw sa sofa, nakakulong sa bahay, nanonood ng TV o ng mga pelikula, nagbabasa ng mga nobela. Alam kong hindi siyang epektibong paraan para pampalipas ng oras, pero para sa akin ganito ang aking buhay kinagisnan tuwing bakasyon. Buhay bilang isang taga-Pangasinan.

Lumaki akong nag-aaral sa isang Chinese school sa may Sta. Cruz, Manila. Umuuwi lamang ako sa Rosales tuwing bakasyon. Nakakulong sa bahay, nagmumukmok. Wala akong kaibigan doon, hanggang ngayon.

Ngunit bakit ko ba naisipang sumama sa Cultural Lab? Bakit ko ninais na magminor sa Cultural Heritage?

Mula sa sanaysay ni Eric Zarrudo na “Settling the Issues of the Past”, maigting niyang sinasabi na hindi maiiwasan ang pagbabago patungo sa kaunlaran na ating natatamasa bilang komunidad, bilang isang bansa. Ngunit dapat din nating isaalang-alang ang mga dakilang pamana sa atin sapagkat nakatutulong ito sa pag-unlad din ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng turismo. (Hal. Museo Ilocos Norte) (Zarrudo 2008: 201-202). Sa Kalibo, itinayo ang Museo it Akean nang naglalayong maipakilala ang Kalibo at ang Aklan sa mga turistang nagnanais pang makilala ang lugar. Dapat nating bigyang pansin ang ating kultura dahil ito ang ating pagkakakilanlan. Ayon nga kay Felice Sta. Maria, “development should be based on the will of each society and should express its fundamental identity.” (Ibid.: 195).

Ninais kong magminor sapagkat nais ko pang matutunan ang pagkakakilanlan ko bilang isang Ilokano, bilang isang dugong-Tsino, at bilang isang mamamayang Pilipino. Nais ko pang tuklasin ang bansa natin. Para magawa ito, kinakailangang tumulong sa pagtataguyod na ito’y mapangalagaan at makapaggawa ng ingay at tunog upang mas lalo pa itong mapansin ng iba. Sa pamamagitan ng “Heritage Mapping” (Ibid.: 196), nakatutulong ito upang mas lalo pang maipagbunyi, makita ang mga depektibong/sirang aspeto/parte, at mas lalo pang maipagmamalaki ang mga iba’t ibang tanyag na mga palatandaan, gusali, establisimiyento, atbp ng ating bansa.

Sa Kalibo, masasaksihan nino man ang pagiging masigasig ng mga mamamayan na ikuwento ang kanilang kasaysayan, ang kanilang bayan, pati na rin kung saan masarap kumain. Hindi hadlang ang pagiging “turista” namin sa pananaw nila sapagkat ninanais nilang maramdaman namin ang kanilang mainit na pagsalubong sa amin – kahit na hindi nila kami kilala.

Sa ganitong pagkakataon, maipagkukumpara mo ang mga iba’t ibang taong nakilala mo sa iyong buhay: ang mga kinagisnan mo habang lumalaki, ang iyong mga kaklase, ang iyong mga kapitbahay; ang mga Tsinoy, ang mga Pinoy; ang mga taga-Maynila, ang mga taga-Pangasinan, at mga taga-Aklan.

Iminingkahi ni Zarrudo na dapat nating kilalanin ang ating mga kayaman nang mapakinabangan nang buong-buo. (Ibid.: 196).

Kilala ang Pangasinan mula sa bangus ng Dagupan, puto ng Calasiao, Hundred Islands ng Alaminos, atbp. Ngunit, ano ang ipinagmamalaki ng Rosales? Matagal ko ring ipinagtataka kung ano ba ang produkto namin. Siguro masasabi ko na tupig, bagoong, at bigas. Tandaan na ang Rosales ay ang unang bayan pagkalabas mo ng probinsya ng Tarlac. May mga lupa rito kung saan nagtatanim ang mga magsasaka ng palay, tabako, at mais. Kung tutuusin, maliit lang ang Rosales kumpara sa mga ibang bayan ng Pangasinan, kung titignan sa mapa. Karamihan ng mga tao rito ay umaasa sa bukid upang kumita. Hindi mapagkakaila na importante ang lupa para sa mga tagarito sapagkat ito ang kanilang kabuhayan.

Sa huli, ayon kay Zarrudo, kinakailangang mapangalagaan ang mga ito sa pamamagitan ng  paggugugul nito dahil nakapagbibigay ito ng halaga sa pamamagitan ng edukasyon at ekonomiya. (Ibid.: 201). Ayon sa kanya, ang edukasyon ay para lumawak pa lalo ang kamalayan sa darating na panahon. Ang ekonomiya naman ay sa pamamagitan ng pagbalik ng pinuhunan. (Ibid.).

Hindi nakapagtataka na ang Aklan ay progresibo dahil ginagamit nila ang kanilang mga kasangkapan na matatagpuan sa kanilang paligid at nakapaggagawa sila ng mga iba’t ibang mga produkto. Halimbawa na rito ay ang Pinya sa Kalibo. Napapakinabangan nila ang pinya sa pamamagitan ng paghahabi nito at sa pagbebenta ng samu’t saring mga produkto mula rito. Dahil dito, naging tanyag ang Kalibo na isa sa mga lumilikha ng ganitong klaseng produkto at nakakukuha sila ng mga order at buyers mula na rin sa ibang bansa!

At tulad sa iprinesenta ng Education Module group, pumayag ang mga tagapamahala na magkaroon ng klase ang paaralan na gumawa ng isang Weaving class na kung saan naglalayon silang maituro sa kabataan ang ganitong klaseng trabaho nang maipasa nila sa susunod na henerasyon ang ganitong uri ng kabuhayan at sining.

Ayon kay Prasad, isa sa maaaring pinagmulan ng pagdodokumento ng mga datos ay noong panahon ng pananakop ng mga taga-Europa ang kasalukyang Estados Unidos. Dito nila unang napagtanto na importante ang pagdokumento ng mga datos sapagkat nagkakaroon ng iba’t ibang interpretasyon, konotasyon, at iba’t ibang pagkakaintindi mula sa mga lokal na mamamayan. (Prasad 2005 : 76-77).

Hanggang sa ngayon, laganap nang kinauugalian ng mga mananaliksik na magdokumento at magsulat nang kumpletong detalye tungkol sa mga kung ano-anong mga paksa. Kumalat na rin ito pati sa mga ibang mga larangan tulad ng Aghambuhay (Biology), Kimika (Chemistry), Panitikan, atbp. Kinakailangan ang mapanuring pagsasagawa nito nang mas makapag-ambag sa kani-kanilang mga larangan.

Ang tradisyong etnograpiya ngayon ay, ayon kay Bate, “about everyday experience of a society or organization, the everyday things that people get up to in the course of their everyday lives.” (Ibid.: 79). Ganito rin ang aming nakagisnan sa loob ng isang linggo para sa aming fieldwork sa Aklan. Masasabing mas natunghayan ito ng Food group sapagkat parte ang pagkain sa pang-araw-araw na gawain ng mga Akeanon. Mas nakibahagi sila sa mga tradisyon ng mga Akeanon. Ngunit, mas nakatutok ang aming grupo sa mga local games na kung saan hindi na ito masyadong nakikita sa lansangan sa araw-araw na aming paniinirahan sa Kalibo. Kaya kami’y nagtungo pa papuntang Malinao at Balete dahil dito raw nadokumento ng Aklan Kamera Organization (AKO) ang mga iba’t ibang mga local games. Ngunit masasabi bang hindi ito isang klase ng etnograpiya? Hindi. Etnograpiya pa rin siya sapagkat nananatiling buhay pa rin ang tradisyon ng mga larong ito sa buhay ng mga bata sa kanilang mga lugar.

Dugtong pa ni Prasad, “ethnography pays undivided attention to the broader cultural context within which events and social interactions unfold.” (Ibid.: 79). Ibig sabihin, kinakailangan ding masaksihan at intindihin ang kahalagahan ng mga kultura hindi lamang sa isang kaganapan lamang. Dapat itong hanapan ng kasaysayan, ang kontektso, at isama na rin ang kapaligiran at inspirasyon sa pagbuo ng ganitong klaseng kultura—Kung bakit patuloy pa rin itong nananalatay sa lipunan ng pook na pinuntahan. Kung bakit patuloy pa rin itong isinasagawa sa pamayanan ng lokalidad, atbp.

Ayon daw kay Bate, kinakailangan ng isang mananaliksik na magkaroon ng “being there quality”. (Ibid.: 81). Kung saan ang mananaliksik ay dapat alamin nang buong puso ang pananaliksik at pagtutuklas ng kanyang pinag-aaralan. Isa ring dapat niyang gawin ay ang masinop na pagdedetalye sa kanilang pagsusulat. (Ibid.: 81). Inaasahan sa mananaliksik na dapat maging taus-pusong sabik sa kanyang paksa. Kapag hindi, ano pa ang saysay niya sa paggastos para lang sa wala? Ano pa ang saysay sa paggugol ng oras at pagod sa isang bagay na hindi rin pala niya mamahalin? Ngunit sa aming karanasan, kinailangan pa naming bumiyahe papuntang Malinao at Balete dahil dito mo masasaksihan ang tunay na kaganapan, na tutumbad sa iyong mga mata.

Halimbawa, nang nalaman namin na piyesta pala sa Malinao noong Mayo uno, hindi na kami nagdalawang-isip pa na bumalik doon sa nakatakdang araw. Isang beses lamang sa isang taon ginaganap ang Hakwathon, Siki-Siki, at Bieirahan. Hindi namin aaksayahin ang pagkakataon, kaya isinama namin ang Education Module group dahil maaari nila ito magamit sa kanilang teaching modules. Nasaksihan namin ang pagganap ng mga nasabing palaro gamit ang aming mga mata, nakisali pa si Dako ng Hakwathon, at nagkaroon pa kami ng exhibition game ng Bieirahan kalaban ang AKO. Sa pamamagitan ng participant observation, mas maiintindihan mo nang mabuti ang konteksto at pakiramdam ng mga sumasali. Ngayon, mas makakasulat na ako sa aking mga tala ng mga detalye tungkol sa mga larong ito.

Mula naman sa aklat ng “Folk Views from Batan, Aklan”, samu’t saring mga paniniwala at mga kasanayan ng mg Akeanon ang nabanggit.  Halimbawa na rito ay ang mga iba’t ibang paniniwala tungkol sa mga pagkain. Nabanggit na ng Food group ang mga ilan dito noong Public Reporting nila sa Kalibo. Maraming mga paniniwala ang mga Akeanon tungkol sa usaping pagkain. Maraming mga alituntunin, mga puwede at mga ‘di puwede pagdating sa mga ito. Kapansin-pansin na may mga patakaran sila pati na rin kung may namatay. Bawal ganito, bawal ganiyan. Base rito, masasabi natin ang patuloy na pag-aalala at pagmamahal ng mga Akeanon sa kanilang mga namayapa na.

Susunod na mga paniniwala ay tungkol naman sa mga halaman at sa pagtatanim. Kapansin-pansin na tanyag ang paksa sa pananatili ng pagiging konserbatibo ng mga kababaihan. Nananalatay pa rin sa kanilang kaisipan na dapat ganito ang mga kababaihan, na may limitasyon sila, na iba sila at ang kalalakihan. Dito rin natin matutunghayan ang kanilang pagsasaalang-alang sa kalikasan. Marahil ay naging mabisang pananakot ito sa mga bata dati kasi napapalibutan ng kapaligiran ang probinsya. Sa sobrang bisa nito, naipapasa ito sa susunod na henerasyon. Sa ganitong paraan, nakapaggagawa sila ng relasyon ng mga tao at ng kapaligiran. Lalo pa nilang napagpapatibay ang kanilang pakikiisa ng kalikasan—sa pamamagitan ng hindi lamang ng kanilang kinabubuhayan, kundi pati na rin sa tradisyon.

Sumunod ay mga iba’t iba pang mga paksang sari-sari tungkol sa mga paniniwala ng mga Akeanon. Dito naman, nabibigyan ng importansya ang pagtingin sa kalendaryo at sa kalangitan. Pinapakita nila ang kahalagahan ng oras at ng paghihintay hanggang sa susunod na puwedeng oras o hudya’t ng pakikipagsalamuha sa iba.

Bumalik tayo sa Rosales. Napapaligiran din siya ng napakayamang kapaligiran. Marami ring mga kuwento ang mga nakatatanda ukol dito, lalung-lalo na ang mga pananakot sa mga batang makukulit. May mga paniniwala rin na naituro sa akin noong bata pa ako: Huwag daw maggupit ng mga kuko tuwing Martes at Biyernes dahil magkakasugat ka raw sa iyong mga daliri. May mga samu’t saring mga paniniwala ang mga taga-Pangasinan. Ngunit, hindi ko pa masyadong napakinggan ang karamihan.

Ayaw kong ipagkumpara ang Aklan at ang Pangasinan dahil naniniwala akong marami silang pagkakaiba. Marami silang mga iba’t ibang pamamaraan, paniniwala, kultura, at kung anu-ano pa. Para sa akin ngayon, ano ang saysay ng pagsali sa Cultural Laboratory?  Nais ko pang tuklasin ang ating bayan, ang ating bansa. Minsan, pinangarap ko ring maging bahagi ng Living Asia Channel na kung saan kung saan saan nakakalibot ang mga host ng programa. Kung saan saan sila nakapupunta, natututunan din nila ang mga iba’t ibang kultura ng ibang probinsya, ng mga ibang bansa.

Para sa akin, ang ganitong pamamaraan ay dapat matutunan ng kabataan at pati na rin ng lahat dahil ito’y para na rin sa ikabubunyi ng ating kultura at pagkakakilanlan. Ako’y naniniwala na kinakailangang maipagmalaki ng lahat ang kanilang kasaysayan dahil dito nagbubunga ang pagmamalaki ng sariling kinagisnan at pinanggalingan. Nasasaad ngayon ng mga lokal nang buong puso’t diwa na alam nila ang kasaysayan nila. Naiinggit ako sa Aklan na may Aklan Song sila na taos puso nilang kinanta noong Chibugan sa Kapitolyo.

Ang aming pananaliksik at pakikibahagi sa Aklan ay pawang panimula lamang. Nanaisin ko pang tumuklas ng kultura ng ibang lugar, lalung-lalo na ng aking pinagmulan—ang Rosales.

 

Bibliography:

Prasad, Pushkala. 2005. “Ethnography: Cultural Understanding of Natives.” In Crafting Qualitative Research: Working in the Postpositivist Traditions, pp. 75-90. New York/London : M.E. Sharpe.

Zarrudo, Eric Babar. 2008. “Settling the Issues of the Past.”. In Pamamaraan: Writing on Philippine heritage management, pp. 195-293. Manila : UST Publishing House.

“Beliefs and Practices.” In Folk Views from Batan, Aklan, ed. Zenaida French, pp. 8-14. FSDP Occasional Papers Series.

 

*Halata bang crinam ko lang? =))) Walang ka-structure structure! 5pm deadline, 4:30pm ko natapos! Haha Overnight paper! Weeeee! =))) Ito ang nagagawa ng isang post Fr. David student! haha! 😀

2 thoughts on “Basit Lang.

  1. Pingback: Makatapos ang Dalawang Buwan: Summer 2013 | walangmagawasijerms

  2. Pingback: Christmas wishlist | walangmagawasijerms

Leave a comment